Inilunsad ng EPA ang mga Pagsisikap na Isali ang mga Komunidad sa Bagong Impormasyon tungkol sa Peligro ng Ethylene Oxide
WASHINGTON (Agosto 3, 2022) – Sa araw na ito, ipinahayag ng US Environmental Protection Agency (EPA) ang mga plano nitong isali ang mga komunidad, estado, Tribo, Teritoryo, at stakeholder at ipaalam sa kanila ang napapanahong impormasyon tungkol sa mga peligrong dulot ng mga ibinubugang ethylene oxide (EtO) sa hangin mula sa mga commercial sterilizer, gayundin ang mga pagsisikap ng EPA na lutasin ang mga peligrong ito. Ilalabas ng EPA ang bagong impormasyon tungkol sa partikular na mga pasilidad kung saan pinakamataas ang antas ng panghabambuhay na peligro sa mga taong nakatira sa malapit at hinihikayat ang mga apektadong komunidad na makilahok sa isang serye ng mga pagbabahagi sa publiko para malaman ang iba pa.Kalaunan sa taong ito, inaasahan ng EPA na magpanukala ng isang regulasyon sa polusyon sa hangin para protektahan ang kalusugan ng publiko sa pamamagitan ng paglutas sa mga ibinubugang EtO sa mga commercial sterilizer.
Nakasaad sa pagsusuri ng EPA na ang hangin malapit sa mga pasilidad ay hindi lumalabis sa panandaliang mga pamantayang pangkalusugan. Gayunman, nakapag-aalala na maaaring magkaroon ng pangmatagalang epekto sa kalusugan ang habambuhay na pagkalantad sa mga ibinubugang EtO kung patuloy na magbubuga ang ilan sa mga pasilidad na ito sa kasalukuyang antas. Nakikipagtulungan ang EPA sa mga pasilidad na ito na makagawa ng angkop na mga hakbang para mabawasan ang mga pagbubuga.
“Sa araw na ito, kumikilos ang EPA para tiyakin na napaliwanagan at naisali ang mga komunidad sa aming mga pagsisikap na lutasin ang problema sa ethylene oxide, isang lason sa hangin na nagdudulot ng malulubhang peligro sa kalusugan sa matagalang pagkalantad,” sabi ni EPA Administrator Michael S. Regan. “Sa ilalim ng aking pamamahala, gagawin ng EPA ang lahat ng aming magagawa para maibahagi ang kritikal na impormasyon tungkol sa peligro ng pagkalantad sa mga taong nangangailangan at nararapat makaalam ng impormasyong ito, at kikilos kami para protektahan ang mga komunidad mula sa polusyon.”
Gagamit ang EPA ng yugtu-yugtong diskarte ng outreach para maisali ang publiko ng Amerika sa isyung ito. Kabilang dito ang detalyadong web material na may impormasyon tungkol sa peligro para sa mga komunidad na mataas ang peligro at isang pambansang pampublikong webinar ang gaganapin sa Agosto 10 mula 8:00 hanggang 9:30PM Eastern [Time]. Susundan ng EPA ang pambansang lebel na ito ng outreach kung saan kasali ang partikular na mga komunidad simula sa mga komunidad kung saan pinakamataas ang peligro.
Patuloy ang pag-access ng EPA sa iba pang impormasyon tungkol sa EtO, at para malinaw ang siiyentipikong pagkaunawa tungkol sa mga peligrong dulot nito. Kalaunan sa 2022, maglalabas ang EPA ng karagdagang pambansang impormasyon tungkol sa mga peligrong nililikha ng EtO sa mga nagtatrabaho sa mga pasilidad ng EtO, gayundin sa mga gumugugol ng oras malapit sa mga ito.
Ang medical sterilization ay isang kritikal na gawaing tumitiyak sa karampatang supply ng mga medical device para sa mga pasyente at ospital. Nangangako ang EPA na lutasin ang mga problema sa polusyon na nauugnay sa EtO sa isang komprehensibong paraan na tumitiyak na mapatakbo nang ligtas ang mga pasilidad sa mga komunidad habang naglalaan din ng mga sterilized medical supply.
Simula noong 2018, nakikipagtulungan na ang EPA sa mga partner sa pamahalaan, komunidad, estado, Tribo, at stakeholder para mabawasan ang mga peligrong dulot ng pagkalantad sa EtO. Kamakailan, nangalap ng impormasyon ang EPA bilang suporta sa isang regulasyon sa Clean Air Act para makontrol ang EtO na nagmumula sa mga commercial sterilizer. Gumamit ang EPA ng updated na impormasyon tungkol sa mga ibinubugang EtO mula sa mga commercial sterilizer para matantiya ang naragdagang peligrong magkakanser dahil sa ibinugang EtO mula sa halos 100 commercial sterilizer. Nalaman ng agency na tumaas ang peligro nang o mahigit sa 100 sa isang milyon sa mga residential area sa 23 sa mga sterilizer na iyon. Ang matagalang pagkalantad sa matataas na konsentrasyon ng EtO ay maaaring magpataas sa panghabambuhay na peligrong magkakanser.
Ibinabahagi ng agency ang impormasyong ito tungkol sa peligro upang ang mga komunidad na malapit sa pinakamataas ang peligrong mga commercial sterilizer, at ang publiko na nag-aalala tungkol sa pagkalantad sa EtO, ay may napapanahong impormasyon tungkol sa mga pagbubuga at mga peligro sa kalusugan mula sa EtO at maaaring gumawa ng matatalinong desisyon. Inaasahan ng EPA na magpanukala ng isang regulasyon sa polusyon sa hangin kalaunan sa taong ito para protektahan ang kalusugan ng publiko sa pamamagitan ng paglutas sa mga ibinubugang EtO sa mga commercial sterilizer. Ang regulasyong ito ay aasa sa pinakamainam na available at napatunayang mga kontrol ng siyensya sa polusyon sa hangin. Kasabay nito, maglalabas ang EPA ng ipinanukalang mga limitasyon sa kung paano magagamit ang EtO sa loob ng mga pasilidad sa sterilization na may mithiing bawasan ang mga peligro sa mga trabahador na humahawak sa EtO at sa mga nakalantad sa iba pang mga paraan gaya ng pagtatrabaho o pagdalo sa paaralang malapit sa pasilidad. Nakikipagtulungan ang Agency sa mga pamahalaan ng estado at pamahalaang lokal, Teritoryo, Tribo, pasilidad, at iba pang mga partner para matukoy at maipatupad ang paparating na mga hakbang sa pagbabawas ng polusyong ito sa lalong madaling panahon.
Para matingnan ang listahan ng mga sterilizer na may mataas na peligro
Bukod pa sa outreach sa mga komunidad na ipinahayag ngayon, patuloy na kumikilos nang makabuluhan ang EPA para lutasin ang EtO at isulong ang kritikal na pagsasaliksik tungkol sa EtO. Kabilang sa mga pagkilos na ito ang:
- Pagrerepaso sa mga regulasyon sa Clean Air Act para sa mga industriyang nagbubuga ng EtO sa hangin, partikular na ang mga tuntunin para makontrol ang mga pagbubuga ng lason sa hangin mula sa mga commercial sterilizer at pasilidad na gumagawa ng mga kemikal,
- Pakikipagtulungan sa estado, Teritoryo, mga environmental agency na lokal at Tribal para bawasan ang mga ibinubugang EtO,
- Pagpapalawak ng mga kinakailangan sa pag-uulat tungkol sa kapaligiran para sa mga pasilidad sa sterilization,
- Nangangako ang EPA na gumamit ng mga opsiyon sa pagpapatupad ayon sa nararapat,
- Muling pagsusuri kung paano ginagamit ang EtO sa loob ng mga pasilidad sa sterilization na may mithiing bawasan ang mga peligro sa mga trabahador na humahawak sa EtO at sa mga nakalantad sa iba pang mga paraan,
- Pagsasagawa ng pagsasaliksik para mas maunawaan at masukat ang EtO.
Tungkol sa Ethylene oxide
Ang ethylene oxide, isang gas na walang kulay, ay ginagamit para i-sterilize ang mga device na hindi maaaring i-sterilize gamit ang steam o radiation, tulad ng ilang medical at dental equipment. Ayon sa Food and Drug Administration, ang EtO ay kasalukuyang ginagamit para linisin ang humigit-kumulang 50% ng mga sterile medical device, mga 20 bilyong medical device taun-taon. Ang EtO ang tanging ligtas at epektibong pamamaraan sa pag-sterilize na kasalukuyang available para sa ilang device. Gayunman, sinisikap ng EPA na bawasan ang mga ibinubugang EtO at inaasam ng FDA na makatukoy ng mga alternatibo sa EtO.
Ang EtO ay binubuo sa malalaking volume sa ilang pasilidad na gumagawa ng mga kemikal. Sa U.S., ginagamit ito una sa lahat para gumawa ng iba pang mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng iba’t ibang produkto, kabilang na ang mga antifreeze, tela, plastik, detergent, at pandikit. Ang EtO ay ginagamit din para i-sterilize ang ilang produktong pagkain at pampalasa.
Para manatiling maalam sa pinakahuling mga aktibidad at gawaing nauugnay sa EtO, bisitahin lamang ang aming website.