Maghanda ng Malinis na Silid para Maprotektahan ang Kalidad ng Hangin sa Loob ng Bahay Kapag May Wildfire
(Kaugnay na Impormasyon sa Tagalog)
Video: Paano I-set Up ang Malinis na Silid
Usok ng Wildfire at Kalidad ng Hangin sa Loob ng Bahay: Paano I-set Up ang Malinis na Silid sa Bahay (sa Ingles)
Sa pahinang ito:
- Ano ang Malinis na Silid?
- Bakit Kailangang Maghanda ng Malinis na Silid?
- Sino ang Nangangailangan ng Malinis na Silid?
- Paano Ko Ise-set Up ang Malinis na Silid sa Bahay?
Sa iba pang mga pahina:
- Mga Wildfire at Kalidad ng Hangin sa Loob ng Bahay
- Mga Wildfire at Kalidad ng Hangin sa Loob ng mga Paaralan at Gusaling Pangkalakalan
Maging Handang Lumikas
- Alamin kung paano ka makakakuha ng mga emergency alert at mga babalang pangkalusugan.
- Alamin ang iyong mga daraanan sa paglikas.
- Magtipon ng mga emergency supply, kabilang na ang mga N95 respirator mask.
- Magkaroon ng kahit pang-5-araw man lang na supply ng pagkain at gamot.
- Itanong sa iyong healthcare provider kung ano ang gagawin kung mayroon kang sakit sa puso o baga. Kung mayroon kang hika, tiyakin na mayroon kang asthma action plan.
- Alamin kung paano mo makakausap ang iyong pamilya o iba pang mga kasama mo sa bahay.
Ang malinis na silid ay isang silid na ise-set up para mapanatiling mababa ang antas ng usok at iba pang mga particle hangga’t maaari habang mausok ang wildfire. Dapat ay walang mga aktibidad sa malinis na silid na lumilikha ng mga particle tulad ng pagluluto o paninigarilyo, at dapat ay palaging sarado ang mga pinto at bintana para hindi makapasok ang usok. Maaari ding lagyan ng portable air cleaner ang malinis na silid para mas malinis ang hangin sa silid kaysa sa iba pang bahagi ng bahay.
Bakit Kailangang Maghanda ng Malinis na Silid?
Kung nagkakasunog sa inyong lugar, o kung ipinahihiwatig ng Air Quality Index na masama sa kalusugan ang mga antas ng usok at tinatayang mananatili iyon doon, maaaring payuhan ka ng mga lokal na awtoridad na manatili sa loob ng bahay o maghanda ng malinis na silid. Ang paggugol ng oras sa malinis na silid sa bahay ay makakatulong para mabawasan ang pagkalantad mo sa usok habang nasa loob ka ng bahay.
Maaaring mabilis na magbago ang mga kundisyon, kaya dapat ay palagi kang handang lumikas kung kinakailangan. Sundan ang inyong mga lokal na balita, ang AirNow website, o ang website ng kalidad ng hangin sa inyong estado para sa napapanahong impormasyon.
Sino ang Nangangailangan ng Malinis na Silid?
Hangga’t ligtas na manatili sa loob ng bahay, makikinabang ang sinuman sa paggugol ng oras sa malinis na silid habang mausok ang wildfire. Maaaring higit na makakatulong sa mga taong mas malaki ang panganib na nagmumula sa mga epekto ng usok tulad ng mga bata, matatanda, at mga taong may sakit sa puso o mga problema sa paghinga. Kung mayroong kang sakit sa puso o baga, kabilang na ang hika, alamin sa iyong health care provider kung ano ang gagawin kapag mausok.
Alamin ang iba pa tungkol sa mga epekto ng usok ng wildfire sa kalusugan. (Sa Ingles)
Kung hindi ka maginhawa sa bahay, nawalan ng kuryente, o napakaraming usok pa ring pumapasok sa bahay mo, makabubuting humanap ng makakanlungan sa ibang lugar.
Baka maaari kang:
- Manatili sa mga kaibigan o kapamilya na hindi apektado ng usok.
- Pumunta sa isang pampublikong kanlungan na mas malinis ang hangin.
- Maghanap ng ginhawa mula sa usok sa isang malaking gusaling pangkalakalan na may air conditioning at magandang air filtration, tulad ng isang shopping mall.
Paano Ko Ise-set Up ang Malinis na Silid sa Bahay?
- Pumili ng silid. Dapat ay sapat ang laki nito para magkasya ang lahat ng kasama mo sa bahay at komportableng mamalagi roon. Ang isang silid-tulugan na may karugtong na banyo, halimbawa, ay magandang piliin dahil maaari mo itong isara mula sa iba pang mga bahagi ng bahay at panatilihing sarado ang pinto sa loob ng mahabang panahon.
- Pigilan ang usok na makapasok sa silid. Isara ang lahat ng bintana at pinto sa silid, pero huwag gumawa ng anuman na magpapahirap sa iyong lumabas. Kung may exhaust fan o range hood sa espasyo ng malinis na silid, gamitin lang ito nang madalian.
- Manatiling maginhawa. Patakbuhin ang mga fan, window air conditioner, o central air conditioning. Kung ang iyong HVAC system o window air conditioner ay may fresh air option (ibig sabihin ay humihigop ito ng hangin mula sa labas), isara ito, sarhan ang intake, o i-set ang system sa recirculate mode. Iwasang gumamit ng evaporative cooler o portable air conditioner na may solong hose kapag mausok maliban kung may heat emergency. Ang paggamit ng mga device na ito ay maaaring magpapasok ng mas maraming usok.
- I-filter ang hangin sa silid. Gumamit ng portable air cleaner na may tamang sukat para sa silid. Patuloy na patakbuhin ang portable air cleaner sa pinakamalakas na setting ng fan kung kaya mo. Piliin ang isa na hindi lumilikha ng ozone.
Infographic ng DIY Air Cleaner para Mabawasan ang Usok ng Wildfire sa Loob ng Bahay (pptx)
Kung hindi available o abot-kaya ang mga portable air cleaner, maaari mong piliing gumamit ng do-it-yourself (DIY) air cleaner. Ang mga DIY air cleaner ay ginawa sa pamamagitan ng paglalagay ng isang furnace filter sa isang box fan na may tape, mga bracket, o isang bungee cord, at maaaring magsilbing pansamantalang alternatibo sa mga komersyal na air cleaner. May limitadong datos na available kung gaano kahusay magsala ng mga particle ng usok ang mga DIY air cleaner filter. Hindi inirerekomenda ng EPA ang nakagawiang paggamit ng mga DIY air cleaner bilang permanenteng alternatibo sa mga produktong kilala ang kahusayan (tulad ng available na mabibiling mga portable air cleaner).
Mga Tip - Kung Pipiliin Mong Gumamit ng DIY Air Cleaner
Maraming paraan para magbuo ng isang DIY air cleaner. Ang ilang karaniwang disenyo ay inilalapat ang isang filter sa fan, may dalawang filter na nakateyp sa karton para makabuo ng isang tatsulok sa tapat ng fan, o mas marami pang filter na nakateyp sa tapat ng fan para makabuo ng isang cube. Nag-post ang Washington Department of Ecology at Confederated Tribes of the Colville Reservation ng mga tutorial video para tulungan ang mga gagamit sa paggawa ng mga DIY air cleaner: one-filter design at two-filter design.
Para ma-maximize ang filtration, pumili ng isang high-efficiency filter, mas mabuti ang may rating na Minimum Efficiency Reporting Value (MERV) 13 o mas mataas pa, at nakaayon ang mga arrow sa filter sa direksyon ng hangin papasok sa fan. Sikaping mailapat nang husto ang fan sa filter.
Kung gagamit ka ng DIY air cleaner, sundin ang mga tip na ito para maging ligtas:
- Gumamit ng mas bagong modelong box fan (2012 o mas bago pa) at hanapin ang may tatak na UL o ETL. Ang mga mas bagong modelong ito ay may karagdagang safety features. Ang mga fan na gawa bago nag-2012 ay maaaring maging sanhi ng sunog. Kung kailangan mong gamitin ang mga fan na binuo bago nag-2012, huwag itong iwanan o gamitin habang natutulog.
- Sundin ang mga tagubilin ng manufacturer ng box fan, na maaaring kabilangan ng: huwag iwanang mag-isa ang mga bata habang umaandar ang fan; huwag gumamit ng extension cord; huwag gumamit ng sira o hindi gumaganang fan; at tiyaking may gumaganang mga smoke detector sa buong kabahayan.
- Magtabi ng mga ekstrang filter at palitan ang filter kapag mukhang marumi na ito o nagsisimulang maglabas ng amoy-usok. Sa may umusok, maaaring kailangang palitan ang mga filter kada ilang linggo o araw.
- Pinakaepektibo siguro ang mga DIY air cleaner sa isang maliit na silid kung saan ka gumugugol ng maraming oras, tulad ng isang silid-tulugan.
Kung mayroon kang central HVAC, maaari ka ring mag-install ng isang high-efficiency filter (MERV 13 o mas mataas pa) sa system para mapataas ang air filtration. Paandarin ang fan ng system nang madalas hangga’t maaari para masulit ang paggamit ng filter. Maaaring kailanganin mong kumonsulta sa isang propesyonal na HVAC technician para matukoy kung ang MERV 13 o mas mataas pa ang rating na filter ay nababagay sa system.
Sa mga panahon na masyadong mausok, planuhing palitan ang filter sa iyong air cleaner o HVAC system nang mas madalas kaysa inirerekomenda ng manufacturer. Kung mapansin mo na mukhang napakarumi na ng mga filter kapag pinalitan mo ang mga iyon, dapat mong isiping palitan ang mga iyon nang mas madalas.
Tingnan ang fact sheet na Air Filtration sa Loob ng Bahay at Gabay ng EPA tungkol sa mga Air Cleaner sa Baha para sa iba pang impormasyon. Ang EPA ay nagsasagawa rin ng Pagsasaliksik tungkol sa mga DIY Air Cleaner para Mabawasan ang Usok ng Wildfire sa Loob ng Bahay; ang webpage sa pag-aaral ay nagbibigay ng iba pang impormasyon tungkol sa filtration option na ito.
- Iwasan ang mga aktibidad na lumilikha ng usok o iba pang mga particle sa loob ng bahay, kabilang na ang:
- Paghitit ng sigarilyo, mga kuwako, at mga tabako.
- Paggamit ng gas, propane o mga lutuang de-kahoy at mga pugon.
- Pag-spray ng mga produktong aerosol, tulad ng mga panlinis o air refresher.
- Pagpiprito o pag-iihaw ng pagkain.
- Pagsisindi ng mga kandila o insenso.
- Pag-vacuum, maliban kung gumamit ka ng vacuum na may HEPA filter.
Alikabukan o punasan ng mamasa-masang pamunas ang mga ibabaw ng malinis na silid kung kinakailangan para hindi liparin ng hangin ang natipong mga particle.
Alamin ang iba pa tungkol sa mga pinong particle sa hangin sa loob ng bahay. (Sa Ingles)
- Gumugol ng mas maraming oras hangga’t maaari sa malinis na silid para mapakinabangan ito nang husto. Iwasang mag-ehersisyo habang nasa malinis na silid para mabawasan ang pagkalantad sa anumang mga particle na maaaring pumasok sa silid. Kapag bumuti na ang kalidad ng hangin, kahit pansamantala, pahanginan ang malinis na silid sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga bintana o pagbubukas ng fresh air intake sa iyong HVAC system para manariwa ang hangin.